Titas=Tyrants

Nananahimik akong nanonood ng TV kahapon nang bigla kang pumasok sa kwarto namin. Pagkapasok mo pa lang nagdakdak ka ka'gad na laging naka-lock kwarto namin kaya hindi mo nalilinisan. Kaya nga "Kwarto namin" diba? Dun lang namin ma-eenjoy private moments namin tapos magrereklamo ka? Bakit, hindi ka ba marunong kumatok? Pero ang nasagot ko lang sa'yo kagabi, sa paraang pinakamalumanay na alam ko " May nangingialam kasi sa gamit dito e" (pamangkin ko ang tinutukoy ko sa sinabi kong 'to, lagi kasi nung kinukuha bolpen ko. Lagi tuloy ako bili ng bili. tae.). Dun ka na nagsimulang magtaas ng boses. Bakit? Natamaan ka ba? Natamaan ng ligaw na bala? Grabe ka. Sa paraan ng pag-react mo halata namang tinamaan ka e. 'Wag mong sabihing hindi mo pinapakialaman mga gamit namin dahil alam na alam ko yan. Ilang beses na akong nawalan ng mga gamit at pera na alam kong hindi ang pamangkin ko ang may gawa dahil hindi nya abot yun, at kung may iba akong pagbibintangan, malamang ikaw na yun dahil ikaw lang ang mahilig mangealam ng hindi sa iyo. Alam mo, kagabi ko pa 'tong gustong sabihin sa'yo to. Dahil kapatid ka ng erpats ko. Ang ibig sabihin nun e kamag-anak kita. Kaya may bago na akong tawag sayo. Kamag-anakaw. Kamag-anak na magnanakaw. Bagay?

         At dun ka na nagsimulang mag-eskandalo. Sino ka para sigawan ako? Palamunin mo ba ako? Ikaw na mismong nagsabing "nagtatrabaho" ka "lang" dito pero kung makaasta ka, daig mo pa gangster. Magsuot ka kaya ng cap tsaka overfitted na jersey ano? Tapos sabayan mo na rin ng creepwalk. Bagay sayo. Astang squatter, ugaling squatter. Nung una tungkol sa kwarto lang namin yung topic tapos nagkaron na ng sanga sanga, nagkaron na ng subtopics, et cetera. Grabe. Daig pa talk show host. Tapos ako pa sasabihan mo na bagay sakin maging babae dahil napakadaldal ko? Ayos! Sa buong pagfi-feeling Doña mo dito, nanahimik lang ako. Ni hindi ko nga pinapakealaman yang pagsugapa nyo ng pagkain na nakabudget para samin e. Tapos sasabihin mo madaldal ako? Ayos ka ha. Ikaw bagay talaga sayong maging babae. Napakadaldal. Wala namang sense pinagsasasabi.

       At nung dati ring nasabi ko nung nagsagutan rin tayo noon na "malandi" ka. Siguro lumabas na lang yun out of nowhere. Minsan talaga may nasasabi ang isang tao kapag nasa gitna sya ng away. Pero para sakin walang kahulugan 'yon. Pero, ba't ngayon, nagdadrama ka dun sa nasabi ko? Bakit ngayon lang? Ano yan, late reaction? Guilty ka. Halata. Tapos idadamay mo nanay ko? Sasabihan mo ring malandi? At sino ka para idamay ang nanay ko? Eh kung idamay ko kaya mga anak mong ugaling taga-bundok? Kung tumungga ng tubig galing sa ref, akala mo caveman e. Kung makagamit naman ng toilet kailangan pang nakatapak sa gilid tapos nakabukaka pa (Pedestal squat, as what they call it).



Ano yan? May hemorrhoid? O talagang may lahi lang kayong palaka?
Ano? Matutuwa ka ba kung idadamay ko mga anak mo? 'Wag na wag mong idadamay ang nanay ko. Dahil walang ginagawang masama sa'yo yung tao sa parehong paraan na walang ginagawang masama mga anak mo sakin (maliban na lang sa pagtsitsismis nyo tungkol sakin) kaya't 'di ko sila idinamay.

Ang kunat pa ng mukha mo (parang bacon na brief sa katikasan) para sabihin "Kung ikaw ginaganyan (sinasagot) mo si Daddy mo, pwes ako 'di mo pwedeng ganyanin"
 AT BAKIT?! Sino ka para hindi ko sagutin? Kung sagutin ko man erpat ko, wala akong makitang masama dun. Dahil kahit ilang beses ko pang sagut-sagutin ang tatay ko, nandun ang "RESPETO". Bagay na wala ako para sa'yo. Tulad nga ng sabi ko sayo kagabi: "Minsan wala akong galang kay daddy pero nirerespeto ko yun, eh ikaw? wala ako parehas".
Tapos kapal pa ng mukha mong sabihin sakin na PAREHAS lang yun? Tanga. Palibhasa gurang ka na at may wrinkles na rin yang utak mo.
Ang "galang" ang ibig sabihn nyan sa ingles ay courteousness, o yung pagiging polite. Madali lang maging magalang, mag po at opo ka lang magalang ka na. Pero ang respeto, mahirap ibigay sa tao yan.
Naniniwala akong dapat lahat ng matatanda ay ginagalang. Pero naniniwala din akong hindi porket malapit ka ng magmenopause eh dapat ka ng respetuhin. Kung hindi man kita respetuhin, wala kang karapatang magalit dahil ibinabalik ko lang ang kung anong ginagawa mo sakin. Pambabastos.

Grabe. Ang hirap makipagsagutan sa isang taong walang logic. Yung tipong kahit na ilang beses ka pa mag-explain. Kahit may visual aid ka na gamit sa pag-explain. Wala. Kitid ng utak ang pinapairal. Pati na rin yung mga taong menopause na isip bata pa rin. Hirap kausap. Biruin mo ba naman, biglang papasok sa kwarto namin, kunwari me kukunin na hanger... tas biglang magdadakdak tapos kung makapagbigay pa ng post comment daig pa bata. "WEEEEEEEEEEEEEEEEH" ka pa. Ano ka bata? Lollipop gusto mo? Grabe ka. Me tama? LOLz.


Mamaya dadating na si Daddy. Hindi ko alam kung mageexplain pa ba ako tungkol sa nangyari kagabi dahil alam ko naman kung sinong kakampihan nya. Ikaw. Kaya nga malakas loob mong mag-eskandalo e. Dahil alam mong kakampihan ka nya. Eto namang si erpats ako pa pagsasabihan na wag ko raw ganunin yung kapatid nya.

EH ANO AKO SAYO?! WALA LANG?


Blessing in disguise na rin siguro yung nangyari kagabi. Dahil dun napapost ako ng biglaan hahahaha. Hayy. Ang hirap makipag-away kung alam mong wala kang back up. Masarap mag break down na lang pero 'di pwede. Matapang dapat ako. :)

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • Twitter
  • RSS

Brain Freeze. Literally.

Matagal din akong hindi nakapagpost (Oo, matagal na para sakin yung isang buwan! lelz.). Inalok pa kasi ako ng kabatch ko nung highschool sa isang seminar. Letseng seminar yun. Pagkatapos nun nagulo na buhay ko (LOL, OA ka lolo). Kailangan kasi ng fee na 9888 moolah para makasali. Na-pressure tuloy ako. Nagkandarapa ako kung pa'no 'ko yun kikitain (pero sa totoo lang nandito lang ako sa bahay, paclick-click ng mouse. hihi.). Dahil sa pressure, yan tuloy, under hiatus state tuloy ang utak ko for the past month. Pero okay na ako, pagkatapos ng pangungulangot ng utak ko( Hoy, wag mong basahin ng literal haha), nakapag-isip na rin ako ng maganda gandang isusulat! yey!


(Oi, PW and Fiesta friends, Abangan nyo 'yung ipopost ko ah xD)

O hala , sige. Bibili lang ako ng bolpen. Babayo!

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • Twitter
  • RSS

Moral lesson: Laging tumingin sa daanan nang hindi matapilok.

 Hindi ako takot magkamali. Madapa man ako ng ilang beses, alam kong kakayanin kong bumangon ulit. Pero pagkatapos mong bumangon, guguluhin ka naman ng mga taong na "saan at paano ka magsisimula?". Nakabangon man ako mula sa pagkakatapilok, hindi ko naman magawang maihakbang paabante ang mga paa ko nang hindi iniinda ang sakit. Hindi ko alam kung pa'no magsisimula.

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • Twitter
  • RSS

Untitled weariness



This long repose is tiring.
I have been in slumber for so long it seemed like eternity.

When will I be able to get up in my worn-out bed?
I am running out of hope and I am also tired.

Hand me that pillow and I'll rest my head.
I'll close my eyes and I'll fade.



  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • Twitter
  • RSS

Dahil ikaw ay tao

Iniaalay sa mga taong nasalanta ng bagyong sina Ondoy at Pepeng. Sa mga taong sinisikap bumangon mula sa kinalulugmokan nila, sa mga taong nawalan ng mga minamahal sa buhay at higit sa lahat, sa mga taong walang sawang tumutulong sa kanila.


                       Ako nga pala si Lando, isang tindero ng fishballs. Palibhasa'y 'di ako nakapagtapos kaya eto ang kinabagsakan kong trabaho. Grade 1 lang ang natapos ko dala na rin ng kahirapan namin sa buhay. Maliit lang ang kita ko. Ibawas mo pa ang bayad ko sa renta sa ginagamit kong bisikleta sa padyak sa pagtitinda. Nakakaraos naman ako sa araw-araw pero katumbas nito ang maghapong pakikipaglaban sa mga makakapal na usok sa kalsada at init ng araw. Nadodoble pa ang hirap ko kapag sumapit na ang tanghali at kapag umaatake ang hika ko. Mahina lang ang katawan ko pero sinisikap ko pa ring magtrabaho.



Biyernes, ika-25 ng Setyembre, taong kasalukuyan. 
                   



                       Gabi na nang marating ko ang aking maliit na barung-barong. Mag-isa lang akong nakatira rito. Pagkapanaog ko ay itinabi ko agad ang mga tira-tira sa paninda ko sa isang kahong styrofoam na may dry ice sa loob para ibenta kinabukasan. Inabot ko pagkatapos ang alkansya ko sa taas ng aparador at inilagay dito ang bente pesos na tira sa pinambili ko ng kanina pagkain. Matagal na rin akong naghuhulog dito ng pera na tigbebenteng tira sa kita ko. Nag-iipon kasi ako para makauwi na sa probinsya. Tantsa ko malapit na syang mapuno dahil medyo bumibigat na sya. Pagkatapos ay ibinalik ko na s'ya sa taas ng aparador. Naghapunan na ako pagkatapos. Tapos ay natulog agad ako ng maaga. Kailangan kong paghandaan ang isa na namang araw ng pagbabanat ng buto bukas.


                      Pero ibang bagay pala ang dapat kong paghandaan...




Sabado, ika-26 ng Setyembre, taong kasalukuyan.




                     Hindi pa man sumisikat ang araw ay nagsimula nang umulan. Ginising ako ng mga patak na bumabagsak sa aking mukha. Hindi ko pa nga pala naaayos ang bubungan ko. Tumayo ako sa higaan ko at kumuha ng isang mangkok na gawa sa plastik at itinapat sa tumutulog tubig galing sa bubong. Iba ang lamig ngayon, ang sabi ko sa sarili ko. Sumusuot sa balat ang kakaibang lamig na dala ng ihip ng hangin. Naalala ko tuloy na madalas masamang pangyayari ang dala ng ganitong hanging dulot ng malakas na pag-ulan. Malapit lang kasi kami sa ilog kaya't madalas kaming bahain dito. Idagdag mo pa ang mga baradong kanal dahil sa basura. Iniabot ko ang kahong laman ang mga paninda ko para mamaya at inilagay sa taas ng mesa para 'di maabot ng baha, kung sakali man. Naupo ako sa tapat nito at ipinagpatuloy ang aking pagtulog.





                    Nagising na lang ako ulit nang may kung anong tumama sa bubong ng aking bahay. Papasikat na ang araw ngunit hindi pa rin tumitigil ang malakas na pagbuhos ng ulan. Lumala pa ito lalo at kasama nito ang nag-ngangalit na pag-ihip ng hangin. Sumilip ako sa bintana at nakita ko ang malakas na hangin humahampas sa mga dahon ng puno, dahilan para animo'y sumasayaw ito dahil sa maya't maya nitong pag-uga. Pati rin ang mga bubong ng ilang bahay ay di nakaligtas. Naririnig ko pa ngang sumasabay sa ingay ng ulan ang tunog na gawa ng pag-uga ng bubong ko. May mga tubig na ring namumuo sa kalsada kaya't itinaas ko na rin ang iba ko pang mga gamit sa mesa, katabi ng  kahong yari sa styrofoam. Hindi ako makakapaglako nito sa gantong lagay ng panahon. Mabuti na lang at may kaunti pang bigas, ulam na tira ko kagabi at kaunting tinapay. Nagtimpla ako ng kape at saka nagdasal para sa pagtila ng ulan.




                    Sampung minuto... dalawampung minuto... isang oras... Hindi pa rin tumitila ang ulan. Sumilip ako sa labas at nakita ko ang ilan sa mga kapitbahay kong nagsasalba ng ibang gamit nila na mabasa. Ang ibang bahay naman ay sarado pa rin pati ang mga bintana. Umabot na kasi sa bandang binti ang baha.
                    Hindi na bago sa amin ang mga gan'tong pagbaha pero kahit na ganun, hindi mo pa ring masasabing sanay na kami sa dala nitong perwisyo at dagdag hirap sa mahirap na naming buhay. Napabuntong hininga na lang ako at umupo sa aking kama. Napatingin ako sa kinalalagyan ng alkansya ko at biglang sumagi sa isip ko ang aking pamilya. 
                    "Sa oras na makaipon ako para sa ating lahat, babalik na ako dyan. Dyan sa tahanan natin." Bulong ko sa sarili ko.  Ipinikit ko ulit ang mga mata ko at nagdasal.









                     Ilang oras din ang lumipas at patuloy pa rin sa pagbuhos ang ulan. Tumaas na rin ang tubig baha. Sa mga oras na ito ay nasa lababo na ako nakaupo dahil natakpan na ng baha ang kama ko. Nakikita ko pang lumulutang ang mangkok na nilagay ko kanina sa ibabaw ng kama para sahurin ang patak ng tubig pero ngayon ay s'ya na mismo ang kanlong ng baha. Kung magpapatuloy 'tong pag-ulan, posibleng lamunin na nito ang buo kong bahay. Kailangan ko nang kumilos at pumunta sa mas mataas na lugar. At ngayon na.




                   Binuksan ko ang pinto patungo sa labas. Malakas pa rin ang hangin. Nakikita ko ang ibang taong may mga bitbit na gamit. Ang iba nama'y lumilikas na sa bubong nila. Kailangan ko na ring makahanap ng mapag-aakyatan maliban sa sarili kong bubong kong yari lang sa pinagtagpi-tagping yero dahil hindi ito matibay. Hindi malayo sa kinatatayuan ng bahay ko ay may isang dalawang palapag na apartment kaya't tinawid ko ang kalsada kahit na medyo rumaragasa ito dahil sa pag-apaw siguro ng ilog. Kasabay kong tinatahak ang baha kasama ang mga ilang mga palutang lutang na mga gamit. Nakarating rin ako sa apartment. Mabuti na lang at hindi pa masyadong okupado ang ikalawang palapag nito kaya't hinayaan na lang ako ng may-ari na makisilong doon hanggang lang sa humupa ang ulan. Sa ikalawang palapag ay naro'n ang mga rumerenta sa apartment ding iyon at ilang mga nakikisilong din. Kahit na medyo marami kami roon, isa lang ang mababakas mo sa mukha naming lahat: pag-aalala.
                 Muli akong nagdasal para sa kaligtasan naming lahat.




                Lumipas ang ilan pang oras... patuloy pa rin sa pagngingitngit ang langit. Ang baha naman, patuloy rin sa pagtaas. Tantsa ko'y abot na ito sa may dibdib ko dahil halos kalahati na lang ng pintuan ko ang nakikita ko.  Medyo malakas na rin ang pag-agos ng baha. Lumulutang pa rin sa baha ang ilang mga gamit ng mga kapitbahay ko. May traysikel pa nga akong nakitang lumulutang. Sa mga nakita kong 'yon ay napaisip ako: Wala pang kalahating araw ang inabot para lang mabalewala ang mga taong ginugol nila para sa mga bagay na iyon. Ilang oras lang na pagbaha ang tumangay sa kanilang mga pinaghirapan...
                
                "Pinaghirapan? "


                Para akong binuhusan ng malamig na tubig nang maalala ko ang alkansya ko. Tiyak mahihirapan kami sa pagbangon pagkatapos ng bagyong ito at ang alkansyang iyon lang ang pag-asa ko. Matagal ko ring pinag-ipunan iyon at para iyon sa pamilya ko sa probinsya. Kailangan kong maisagip 'yon habang 'di pa tumataas lalo ang baha.


               Pinigil man ako ng mga kasama ko ay tinungo ko pa rin ang bahay ko kahit na nilamon na ng baha ang kalahati nito. Pagpasok ko sa loob ay agad kong hinawi ang mga bagay na nakalutang na nakaharang sa daanan ko. Inabot ko agad ang alkansya kong nasa taas pa rin ng aparador at hinawakan ko ito ng mahigpit gamit ang dalawa kong mga kamay. Lumabas agad ako sa makipot kong bahay na pakiramdam ko'y mas lalo pang pinakipot ng baha. Pabalik na sana ako ng apartment nang nakita ko ang babaeng buhat ang anak n'ya sa isa nyang kamay at ang isa nama'y nakakapit sa poste at humihingi ng tulong.
              Gusto ko na sanang iligtas ang sarili ko at ang hawak ko. Pero hindi ko rin namang pwedeng iwan na lang ang mag-ina sa kinalalagyan nila. Alam kong kailangan kong magdesisyon. Kailangan kong pumili. At anuman ang piliin ko, alam kong magiging malaki ang epekto nito sa buhay ko... at sa buhay ng iba.




              Niyakap ko ng mahigpit ang hawak kong alkansya...

 

         ...At saka binitiwan at hinayaang anurin ng baha.


        
            Nilangoy ko agad ang baha papunta sa pinagkakapitan ng mag-ina. Nang marating ko sila ay agad kong pinakapit sa likod ko ang bata at saka hinawakan sa isa kong kamay ang nanay at ang kabila naman ay pilit na inaabot ang kahit anumang bagay na pwedeng kapitan. Malapit na kami sa tarangkahan ng apartment ng mapadulas sa pagkakahawak sakin ang nanay ng bata. Tanging sigaw na lang ang nagawa ng anak n'ya. Ako naman ay nataranta na. Hindi ko na alam kung ano ang gagawin ko. Kusa na lang gumalaw ang katawan ko at ipinasok ang bata sa loob at iniabot sa isang lalaking nagkataong makikisilong rin sana doon. Sumisigaw pa rin ang bata. Naisip kong kailangan ng batang ito ang kanyang ina. Tinungo ko agad ang nanay nyang nakakapit sa lumulutang na galon ng tubig sa 'di kalayuan. Sa puntong ito ay umabot na sa leeg ko ang baha kaya binilisan ko ang pagpunta sa kanya. Nang maabutan ko s'ya ay agad ko syang hinawakan sa kamay. Sa mga oras na iyon ang hinihingal na ako dahil sa pagod pero sinikap ko pa ring lakarin papunta sa ligtas na lugar. Pabalik na sana kami sa apartment nang may matapakan akong kung anong matulis na bagay sa ilalim ng baha. Napangiwi na lang ako sa sobrang sakit pero tiniis ko 'yon. Konti na lang mararating na namin ang gate. Nang malapit  na kami sa gate ay pinauna ko na ang nanay ng bata habang ako nama'y nakakapit sa posteng katabi nito.
                   "Mauna ka na. Kailangan mong mabuhay para sa anak mo. Susunod na lang ako, magpapahinga lang ako saglit dito." ang sabi ko sa babae.

                   Bakas man ang takot sa mukha nya, nagawa pa rin nyang ngumiti sa akin. Alam ko na agad ang ibig sabihin ng ngiting iyon. Ngumiti ako pabalik at saka sya tumalikod at pumasok sa loob habang nakakapit sa dingding na nasa gilid.


                    Sa totoo lang hindi ko alam kung makakasunod pa ako sa kanya. Bugbog na kasi ang katawan ko sa pagod, idagdag mo pa ang ilang mga bagay na nabubunggo ko na lumulutang sa baha. Hindi ko na rin maramdaman pa ang paa ko at 'di ko na rin ito mailakad. Malalim siguro ang sugat at patuloy pa rin siguro ito sa pagdugo. Lumalakas na rin lalo ang daloy ng baha at ang hangin. Nanginginig akong nakakapit ng mahigpit sa poste.





                  Ilang oras rin siguro akong nakakapit doon. Wala na akong ibang taong makita sa kalsada. Ilang sandali pa, napabitaw ako sa kinakapitan ko. Dahil sa sugat sa paa ko at pagod ay 'di ko na magawa pang makalaban pa sa pagtangay sakin ng baha. Ilang beses rin akong nilamon nito pero nagagawa ko pa ring iangat ang ulo ko. Bumangga ako sa isa pang poste at pinilit kong kumapit doon kahit na lamog na talaga ang katawan ko. Katawan ko na mismo ang nagsasabi sa utak kong hindi ko na kaya.


               
                 Tumaas pa lalo ang baha. Nanginginig na rin ang kamay kong nakakapit sa poste. Napapikit na lang ako. Naisip kong dito na ata ako mamamatay. Unti-unting lumuwag ang pagkakahawak ko sa poste. Pinilit kong higpitan, pero sadyang mahina na talaga ang katawan ko. Pinilit kong lumaban para sa buhay ko, pero sa bandang huli, natalo pa rin ako. Napabitaw na ako sa poste at tuluyan ng nilamon at dinala ng tubig baha. 


                 Wala na akong ibang narinig pa kundi ang tunog ng baha at ang kulog.


              
               Nang mga oras na iyon ay naisip ko ang pamilya ko. Sana hindi bumabagyo roon. Sana ligtas sila. Miss ko na sila. Matagal ko na rin silang hindi nakikita at sa palagay ko, mukhang 'di na ulit mangyayari yun. 
               Patawad. Patawad 'tay, mukhang 'di na ako makakauwi dyan. Patawad dahil hindi ko nagawang mapabuti ang katayuan natin sa buhay dahil isa lang naman akong hamak na tindero ng fishballs.
              Pero kahit ganun alam kong maipagmamalaki nyo pa rin itong anak nyo.
 

               Hindi man ako nakapagtapos ng pag-aaral, wala man akong titulong maipagmamalaki, mamamatay man akong isa pa ring mahirap, masaya ako. Masaya ako dahil nakatulong ako, sa maliit mang paraan o sa malaki.
  
               Hindi man ako isang doktor, nagawa ko namang makapagsagip ng buhay ng nangangailangan.


               Hindi man ako isang abogado, alam kong ginawa ko lang ang nararapat.
     
               Hindi man ako isang mayamang bisnesman, nakaya ko namang isakripisyo ang pinakamahalaga kong kayamanan--- ang sarili kong buhay, para sa kapakanan ng ibang tao.
         
              Mamatay man ako, masasabi kong kuntento ako sa naging buhay ko.
     
              Naluha ako, hindi dahil sa malungkot ako. Humalo sa kulay putik na baha ang luha ko. Wala na akong ibang nagawa kundi ang hayaan akong anurin ako ng baha.
              Hinayaan ko na lang s'yang ihatid ako kung sa'n man ako nararapat pumunta.





 

Ito ang istorya ni Lando. Kahit na isa lang sya sa mga kathang-isip ko ay alam kong nabubuhay sya sa katauhan mo, at sa katauhan ko. Sa madaling salita, Ito ay ang istorya ng bawat isa sa atin. Naniniwala akong hindi na natin kailangan pa ng mga superheroes para tulungan tayo 'pag nangangailangan tayo. Bukod na sa korni ang iba sa kanila, Sapat na ang isa't isa para punan ang pangangailangan ng bawat isa. Wala naman kasing requirements para tumulong ka e kaya bawa't isa satin ay kayang maging si Lando. Naniniwala akong kaya mo ring tumulong dahil sa isang simpleng dahilan:
                                                           Dahil ikaw ay tao.


Tao kang binigyan ng Diyos ng kakayahan na tumulong. Wala akong makitang dahilan para hindi mo gawin ang isang bagay na kayang kaya mo namang gawin.


Sabi nga ng iba "No man is an island.". Gasgas na gasgas na nga 'to e. Tama nga naman. Hindi naman gumawa ang Diyos ng maraming tao para bumuo ng kanikanilang mga isla. Bumuo s'ya ng maraming tao para bumuo ng kontinente, na sya namang bubuo sa mundo, na sya namang bubuo sa galaxy (potek naging Hekasi at Astronomy na lol).




Sa pagtatapos nito, nais kong tumulong ka, syempre pati na rin ako, sa kahit anong paraan, may kalamidad man o wala.
Sinu-sino pa nga ba ang magtutulungan kundi tayong mga unggoy rin tayong mga tao rin.

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • Twitter
  • RSS

Ipinanganak na sya!

Pagkatapos ng ilang taong katamaran pagpo-procrastinate, sa wakaaaaas, Ipinanganak na rin sya. Ipinanganak na rin ang tapunan ko ng mga sinusulat ko. At least dito na sya didiretso, hindi na sa basurahan hahaha.

Syempre tulad ng mga bagong panganak na mga sanggol, pangit rin sya ( Lahat ba ng mga sanggol pangit pagkapanganak? O ako lang? LOL. Jok.).



Bukas ko na s'ya aayusin. Sa ngayon may ibang bagay muna akong aatupagin. Babayu.

  • Digg
  • Del.icio.us
  • StumbleUpon
  • Reddit
  • Twitter
  • RSS